Tuesday, October 22, 2024

Ang Landas ng Karunungan

ni: Nova F. Vertucio 


 Ako'y estudyante, pusong handang mag-aral

Sa paaralan na puno ng kaalaman at sigla

Layunin ko'y magtagumpay sa bawat pagsusulit

At makamit ang pangarap, sa tibay ng aking loob


Tuwing umaga'y masigasig kong nilalakad

Ang landas patungong paaralan na puno ng galak

Kaibigan at guro, nagbibigay inspirasyon

Pagka't alam nilang ang pag-aaral, mahalaga sa akin


Sa bawat leksyon, isip ay laging nakatuon

Upang maunawaan ang bawat konsepto't aral

Sulat at libro, mga kaibigang tapat

Sa tuwing mag-aaral, sila'y aking kasama 


Ngunit sa kabila ng aking pagsisikap

Talino't galing ay hindi sapat na yaman

Kailangan din ng sipag at tiyaga

Upang makamit ang tagumpay na minimithi


Sa bawat hakbang, ako'y palaging nagsusumikap

Mag-aral ng mabuti, sa tuwing eskwela'y dumadating

Sama-sama tayong lumaban sa hamon ng edukasyon

Upang maging handa sa kinabukasang puno ng pag-asa


Sa tuwing ako'y natatalo, ako'y di sumusuko

Bawat pagkatalo ay aral na dapat matutunan

Itataguyod ko ang aking pangarap

Sa tulong ng pag-aaral, susulong ako sa buhay


Estudyante ako, pusong handang mag-aral

Sa tulong ng edukasyon, ako'y magtatagumpay

Layunin ko'y maging huwaran at tagumpay

Sa pagsisikap at tiyaga, magtatagumpay sa buhay.

Wednesday, October 16, 2024

NASA HULI ANG PAGSISISI

isinulat ni Nova Vertucio

            Paulit ulit na pagkurap ngunit wala pa rin liwanag na maapuhap, sa dilim nakatunghay walang pagsidlan ang takot na nabubuhay sa kaniyang dibdib, ang mga kalabog ng puso’y hindi mapigil, mga bulong sa tainga’y patuloy at walang tigil.

            “Sige, ituloy mo!” Hawak ang patalim sa kaniyang kaliwang kamay at nakadiin. Mga sambit niya sa kanyang isipan. Hindi na niya kaya at kailangan ng tapusin. Ang mga problema’y patuloy na dumarating, walang solusyon, pakiramdam ay walang kapiling na kaniyang mapaglalabasan ng mga hinaing. Hindi na niya kaya. Ang kaniyang puso’y nabalot na ng kalungkutan, ang kaniyang isipan ay napuno ng kaalamang walang nagpapahalaga at walang nagmamahal.

                 Ayoko na! Panginoon, bakit ako pa? Bakit ako ang nakararanas ng ganito? Bakit ako sa dinami-rami ng tao sa mundo? Napakadaya, bakit ako? Bakit ang iba’y namumuhay sa karangyaan, samantalang ako’y naririto at lubog sa kahirapan. Hindi ko maunawaan kung bakit pa ako naririto at nabubuhay, hindi ko maintindihan ang mga nangyayari at mangyayari pa sa aking buhay. Ito’y aking wawakasan na.

                Binuksan ko ang silid ng aking kapatid upang magdala ng almusal niya para sa agahan. Nabigla ako sa aking nakita at nailaglag ang dala kong pagkain. Agad akong tumakbo na umiiyak papalapit sa kaniya, duguan at walang buhay. Nakita ko ang puting papel sa may higaan niya at ito’y aking binasa.

                 “Ma, Pa, Ate, kung mabasa niyo man ito, patawad sa aking gagawin. Hindi ko na kaya pang mabuhay muli. Sapagkat malalala na ang sakit kong kanserk aya madalas akong ginagabi ng uwi at wala sa bahay. Nagtatrabaho ako para may maidagdag na panggastos at may maitustos sa pag-aaral ni Ate.

                    Kahit minsan nagtatampo ako sa inyo dahil si Ate na lang madalas ang nakikita niyong magaling at masipag mag-aral subalit di’ko nagawang magalit sa inyo. Kahit na hindi maganda ang turing niyo sa’kin bilang anak at kapatid hindi ako nagkaroon ng galit sa puso. Mahal na mahal ko kayo.”

                    Humagulhol ako pagkatapos kong mabasa iyon. Niyakap ako ng napakahigpit ni Mama at Papa na parehong lumuluha ang mga mata. ‘Di man lang namin natanong kung kumusta na siya. Mas pinupuna namin iyong mga mali sa paningin namin subalit nagkamali kami. Wala man lang siyang karamay nung panahong dinaramdam niya ang kaniyang sakit. Kaya nawalan siya ng pag-asang lumaban pa. Dapat hindi siya yung nagtatrabaho kundi ako datapwat huli na ang lahat wala na ang aking bunsong kapatid na kailanman ay hindi na babalik pa.

Thursday, October 3, 2024

MAnKom ( Makabagong Anyo ng Komunikasyon): Uri ng Sosyolek na ginagamit ng Mag-aaral sa Junior High School

 ABSTRAK 

            Ang pag-aaral na ito, "MAnKom: Uri ng Sosyolek na ginagamit ng Mag-aaral sa Junior High School," ay naglalayong suriin ang mga uri ng sosyolek na malimit gamitin ng mga mag-aaral sa kanilang pang-araw-araw na komunikasyon. Partikular na sinusuri ang lawak ng paggamit ng mga sosyolek tulad ng Bekimon, Code-switching, Conyo, Jejemon, Salitang Kalye, at Tadbaliks sa mga akademikong gawain at interpersonal na pakikipag-ugnayan. Ang pananaliksik ay gumamit ng mixed method approach kung saan nagsagawa ng sarbey at panayam sa mga mag-aaral ng Aurelio Arago Memorial National High School. Ang mga natuklasang datos ay magsisilbing basehan upang maunawaan ang epekto ng sosyolek sa pakikipagtalastasan ng mga kabataan, at upang matukoy ang kaugnayan ng paggamit ng sosyolek sa kanilang mga gawaing pampagkatuto.


Susing Salita: Sosyolek, Bekimon, Code-Switching, Tadbaliks, Conyo


PAGLALAHAD NG SULIRANIN

                  Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin at alamin kung anong uri ng sosyolek ang pinakaginagamit ng mga mag-aaral sa kanilang komunikasyon at talastasan ng Junior High School ng Aurelio Arago Memorial National High School. 

Sinasagot sa pag-aaral na ito ang mga sumusunod na katanungan:

1.Ano ang antas ng gamit sa pakikipagkomunikasyon ng mga uri ng sosyolek batay sa;

  1.1 Bekimon,

  1.2 Code-switching,

  1.3 Conyo,

  1.4 Jejemon,

  1.5 Salitang Kalye, at

   1.6Tadbaliks?

2. Ano ang lawak ng gamit ng mga uri ng sosyolek sa mga gawaing pampagkatuto base sa;

   2.1 Pagsagot sa klase,

   2.2 Pagsulat ng sanaysay, at

   2.3 Pagsagot ng mga aralin?

3. Mayroon bang makabuluhang kaugnayan ang antas ng gamit ng sosyolek sa pakikipagkomunikasyon at lawak ng gamit nito sa mga pampagkatutong gawain?

4. Mayroon bang makabuluhang kaibahan ang mga indikador ng antas ng gamit sa pakikipagkomunikasyon ng mga uri ng sosyolek?

5. Mayroon bang makabuluhang kaibahan ang mga indikador ng lawak ng gamit ng mga uri ng sosyolek sa mga gawaing pampagkatuto?

6. Batay sa resulta ng pag-aaral, anong awtput ang maaaring imungkahi?