Thursday, November 28, 2024

CTE TEAM UP: Team Building Activity

           



   

             Isa sa hindi ko makakalimutan ang pagsali ko sa mga aktibidad noong CTE TEAM UP: Team Building Activity. Isa itong makabuluhang karanasan na puno ng kasiyahan at masasayang alaala. Isa sa mga naranasan ko  ng araw na iyon ay ang boodle fight, kung saan sabay-sabay kaming kumain na kung saan ay simbolo ng pagkakaisa at pakikisama. Hindi rin mawawala ang kasiyahan sa swimming pool, na nagbigay-daan sa amin na mag-relax at mag-bonding sa gitna ng masiglang aktibidad.  

            Bukod sa kasiyahan, tumatak din sa akin ang mga palarong nagbigay ng hamon sa aming kakayahan at tiyaga. Isa na rito ang pagpasok ng straw sa bote, na nagpakita ng aming pagiging maingat at masinop sa bawat galaw. Isa pang nakakatuwang laro ay ang paghahanap ng itlog, kung saan kinakailangan ng mabilisang diskarte at mahusay na koordinasyon. Ang bawat tagumpay sa larong ito ay nagbigay ng dagdag na sigla at saya sa aming grupo.  

           Pinakamasaya sa lahat ay ang laro ng "The Boat is Sinking", na kung saan kami ay nagwagi. Ang tagumpay na ito ay nagpakita ng aming tibay bilang isang koponan at ng aming pagiging maagap sa bawat sitwasyon. Ang CTE TEAM UP ay hindi lamang isang simpleng aktibidad kundi isang pagkakataon upang bumuo ng mas matibay na samahan, matutong magtiwala, at mag-iwan ng mga alaalang hinding-hindi ko makakalimutan.

Sunday, November 24, 2024

Ser Geybin: Kwela at May Puso sa Social Media



                   Si Gavin de Rueda Capinpin o mas kilalang “Ser Geybin” ay isa sa mga pinakasikat na vlogger. Nakilala siya dahil sa kanyang kwelang personalidad, natatanging mga content, at inspirasyonal na mga mensahe na umaabot sa libu-libong manonood sa social media. Sa bawat video niya, nakikita ang kanyang dedikasyon sa pagbibigay-saya at kaalaman sa kanyang mga tagapanood. Ang kanyang likas na kagandahang-loob at pagiging maayos na pakikitungo ang dahilan kung bakit marami ang nanonood sa kanyang mga vlog. 

                   Ilan sa mga kinagigiliwang content ni Ser Geybin ay ang kanyang mga travel vlogs, cooking vlogs at food reviews, challenge vlogs, educational content, collaboration vlogs behind-the-scenes vlogs, inspirational talks at life advice kung saan sinasamahan ng kanyang mga kwelang komento at kaswal na pagsasalaysay. Bukod sa kasiyahan, nagbibigay din siya ng mga praktikal na payo, lalo na sa mga baguhang nagnanais tahakin ang pagba-vlog.

                    Maliban sa pagpapatawa, si Ser Geybin ay kilala rin sa kanyang mga inspirasyonal na mensahe. Madalas niyang ipaalala sa kanyang mga tagasubaybay na abutin ang kanilang mga pangarap, maging matiyaga, at huwag sumuko sa kabila ng mga pagsubok. Ang kaniyang kwento ay patunay na sa mundo ng social media, ang pagiging totoo at may malasakit sa kapwa ay mas mahalaga kaysa sa anumang porma ng kasikatan.

                  Ang kanyang simpleng mga pamumuhay, positibong pananaw, at pagiging bukas-palad sa mga tagapanood ang nagbigay-daan upang maging inspirasyon si Ser Geybin sa marami. Sa bawat hakbang na kanyang tinatahak, ipinakita niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malasakit sa kapwa at ang simpleng kasiyahan sa buhay. Ang kanyang pagiging tapat at hindi matitinag na prinsipyo ay nagbigay lakas sa mga tao upang magpatuloy at mangarap, anuman ang hamon sa buhay.

Sunday, November 17, 2024

DISTANSYA


Ang tula na ikaw ang sukat at tugma 

Ang makata na ikaw ang panimula 

Sa aking pangungusap, na ikaw ang parirala 

Mawawalan ng saysay ang aking diwa,

Kung hindi ikaw ang aking kasama


Ikaw ang araw,

At ako naman ang buwan,

At gaya ng tala na nagniningning 

Ikaw, ang buwan sa malawak na dilim


L.D.R.

Yan ang long distance relationship

Na kinakatakutan ng iba

Nagbibigay ng kaba sa taong walang pasya 

Na pagkatiwalaan ang iniibig nila 


L.D.R

Para lang yan sa mga taong matatag 

Yung kahit mahahabag eh patuloy na hindi pabubuwag

Tiwala at tibay ng loob ang hawak na hindi

Dahilan ang distansya upang mahamak


Simulan natin sa akin 

At sa humantong na dumating ka 

At naging tayong dalawa

Kahit na malayo tayo sa isa't isa


Cellphone, computer,laptop at iba pa

Mga bagay na nagparamdam na hindi hadlang ang distansya

Sa internet naging tayong dalawa 

Kahit na malayo tayo sa isa't isa 

Umabot man ng ilang taon 

Nawa'y ako pa din sinta.

ANG MATATAG NA DIWA NG MGA MANGYAN


                 Sa isang lugar ng Mindoro, may isang pangkat ng mga Mangyan na namumuhay sa isang pamayanan na tanging sumasalamin sa kahalagahan ng kulturang kanilang pinanggalingan. Si Amelia, isang batang Mangyan, ay gumigising sa kagandahan ng umaga. Ang bawat pagbukas ng kaniyang mga mata ay isang pagpapasalamat sa kalikasan na nagbibigay-buhay sa kanilang lahat.

                  Sa pagtanda ni Amelia, tinuruan siya ng kaniyang mga magulang tungkol sa kahalagahan ng kanilang kultura. Sa kanilang pamayanan, ang bawat galaw ay may kahulugan. Ang pagtanim ng mga binhi ay hindi lamang tungkol sa pag-aalaga ng mga taniman, kundi pati na rin sa pagsasabuhay ng tradisyong nagmula pa sa kanilang mga ninuno.

              Ang mga Mangyan ay nagtatanghal ng kanilang mga sining at musika. Si Amelia ay natutong umawit ng mga awiting nagpapahayag ng kanilang mga pangarap at pananaw sa buhay. Ang bawat himig ng kawayan ay nagbibigay-buhay sa kanilang mga puso.

                  Ngunit sa kabila ng kanilang pagmamahal sa tradisyon, unti-unti nilang nadarama ang epekto ng modernisasyon sa kanilang pamayanan. Dumating ang mga banyagang pwersa na nais baguhin ang kanilang pamumuhay. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagkakaisa at determinasyon, nagpatuloy ang mga Mangyan sa pagpapahalaga sa kanilang kultura.

              Isang araw, nagkaroon ng malaking pagsubok sa pamayanan. Isang malakas na bagyo ang dumating, na nagdulot ng pinsala sa kanilang mga taniman at bahay. Sa gitna ng kalamidad, nagkaisa ang mga Mangyan upang magtulungan at magtayo muli ng kanilang pamayanan.

         Sa pagtatapos ng araw, habang tinitingnan ni Amelia ang nagliliyab na apoy sa gitna ng gabi, naisip niya ang kahalagahan ng kanilang kultura. Sa kabila ng mga pagsubok, ang kulturang Mangyan ay patuloy na sumasalamin sa kanilang pagiging matatag, mapagmahal, at nakikipag-ugnay sa kalikasan at sa bawat isa.

ANG BUHAY NG ISANG KATUTUBONG MANGYAN

 



 Sa bundok man ang tirahan

Ng mga katutubong Mangyan 

 Ngunit maaliwalas at masarap ang hangin

   Na nakapagbibigay kaligayahan 


   Hindi problema ang kanilang pagkain 

    Sapagkat masipag silang nagtatanim

    Kamoteng-kahoy sapat na sa kanila

    Upang maitawid ang kagutuman


    Madungis man tingnan 

     Lalo na ang kanilang kasuotan 

     Sira-sira at gula-gulanit

     Ngunit hindi tinatablan ng anumang sakit 


     Hindi man nakapag-aral, dahil sa kadukhaan

     Ngunit may mga pusong mamon silang katangian 

       Sana'y huwag nating apihin kailanman

      Sapagkat tao rin sila na pwedeng masaktan.

EBOLUSYON NG ALPABETONG FILIPINO


 

CODE OF ETHICS

 


GRAPHIC ORGANIZER " YOU AS A FUTURE TEACHER"

 


MGA DIREKTOR NG SURIAN NG WIKANG PAMBANSA


 

TYPES OF PAPER-AND-PENCIL TESTS


 

LAKBAY SANAYSAY


 

Saturday, November 16, 2024

PAGSUSURI SA MAIKLING KWENTO

 MAPAGPARAYANG PUSO ❤️


I. URI NG KWENTO

• Kwento ng Pag-ibig

II.PAMAGAT 

• Mapagparayang Puso - isang babaeng nagmahal, nasaktan at nagparaya

III. NILALAMAN 

A. Tauhan 

• Issa - labin-limang taong gulang, mahilig magbasa at manood ng palabas tungkol sa pag-ibig. Isang masayahing babae, positibo ang pananaw sa buhay at wagas kung magmahal. Kasintahan ni Ben.

• Ben - labing-pitong taong gulang, maunawain at mapagmahal na kasintahan ni Issa.

• Magulang ni Issa - mahigpit at istrikto pagdating sa kanyang mga anak lalo na sa usapang pag-ibig. 

B. Tagpuan 

• Novaliches Quezon City, Silid-aralan at Bahay

C. Galaw ng Pangyayari o Banghay 


A. Pangunahing Pangyayari 

• Hayskul ng magkakilala sina Ben at Issa. May lihim na pagtingin si Issa sa kanyang kaklaseng si Ben ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay may pagtingin rin si Ben sa kanya.

B. Pasidhi o Pataas na Pangyayari 

• Hindi nagtagal ay niligawan ni Ben si Issa at agad naman niya itong sinagot . Naging maganda at masaya ang kanilang relasyon. Subalit ang relasyon nila ay lihim dahil mahigpit at pinagbabawalan si Issa ng kanyang magulang. 

C. Karurukan o Kasukdulan 

• Nagsimula ang problema ng may naririnig si Issa na usapan sa kanilang paaralan na di umano ay may kasama si Ben na buntis na babae . Hindi naniwala si Issa kahit pa napapansin at nararamdaman na niyang nanlalamig na si Ben sa kanya. Naging pipi at bingi lamang siya kahit na iniiyakan niya ito tuwing gabi.

D.  Kakalasan o Pababang Aksyon 

• Walang ginawa si Issa kundi ang umiyak ng umiyak tuwing gabi kaya naman kinabukasan ay kinausap niya si Ben kung totoo ba ang kumakalat na usapan at ito’y inamin ni Ben. Nasaktan siya sa naging sagot ni Ben ngunit tiniis niya at napagdesisyonan niyang makipaghiwalay na lamang alang-alang sa magiging anak ni Ben.

E. Wakas

• Si Issa, isang babaeng nagmahal, nasaktan, nagparaya ngunit unti-unting bumangon at natutunan na ang tunay na Pag-ibig ay mayroong tamang oras, pagkakataon, at naniniwalang may taong nakalaan para sa bawat tao.

IV. TAGLAY NA BISA 

• Bisang Pangkaisipan 

Sa wakas ng kwento isinaad na ang pag-ibig ay dumarating sa tamang panahon at ito’y hindi dapat minamadali. 

V. KAMALAYANG PANLIPUNAN

• Hindi na bago sa ating lipunan ang maagang pakikipagrelasyon ng mga kabataan na nasa mura pang edad at ang malala pa dito ay naging dahilan ito ng maagang pagbubuntis.

VI. TEORYA

• Teoryang Romantisismo 

Ang pagpaparaya ni Issa kay Ben ay isang halimbawa ng pag-ibig na maunawain na kahit nasaktan ay inunawa at iniisp pa din ang kapakanan ng magiging anak ni Ben.

Sa Lilim ng Mangga

          


          Maliit pa lamang sina Ana at Luis nang magsimula silang maglaro sa ilalim ng lumang puno ng mangga sa likod ng bahay ni Ana. Sa lilim nito, madalas silang magkuwentuhan, maglaro, at mangarap tungkol sa hinaharap.

                 Habang lumilipas ang mga taon, nagbago ang kanilang mundo—nagsimulang mag-aral, nagkaroon ng mga bagong kaibigan, ngunit nanatili ang kanilang pagkakaibigan sa lilim ng mangga. Hindi man nila namamalayan, unti-unti ring nagbago ang damdamin ni Luis para kay Ana. Ang simpleng ngiti ni Ana, na dati’y nakapagpapasaya lamang sa kanya bilang kaibigan, ay nagdulot ngayon ng kakaibang tibok ng kanyang puso.

Isang hapon habang namimitas sila ng mangga, nag-ipon ng lakas ng loob si Luis. "Ana," sabi niya, "May gusto sana akong sabihin sa’yo."

Nakita ni Ana ang seryosong ekspresyon sa mukha ni Luis, na hindi karaniwan. "Ano yun, Luis?"

Huminga ng malalim si Luis, pakiramdam niya ay lumalakas ang tibok ng kanyang puso. “Ana... matagal na kitang gusto,” amin niya habang nakatingin sa mga mata ng dalaga. “Hindi lang bilang kaibigan.”

Napako sa pagkakatitig si Ana, hindi makapagsalita sa gulat at pananabik. Matagal na rin niyang nararamdaman ang kakaiba kay Luis, ngunit hindi niya inasahang maririnig ang pag-amin mula sa kaibigan.

"Ako rin, Luis," mahina niyang sambit. "Pero natatakot akong mawala ang pagkakaibigan natin."

Ngumiti si Luis at hinawakan ang kamay ni Ana. "Hindi mawawala ang pagkakaibigan natin. Mas lalong lalalim at titibay pa ito."

                     Sa lilim ng mangga, sa parehong lugar na kanilang kinalakihan, ipinagkatiwala nina Ana at Luis ang kanilang mga puso sa isa’t isa. Nagpatuloy ang kanilang kwento sa ilalim ng lilim ng lumang puno, ngayon bilang magkasintahan, at sa bawat taon na lilipas, kasama pa rin ang pangako nila sa lilim ng mangga—ang pangakong hinding-hindi nila iiwan ang isa't isa, anuman ang mangyari.

PAGKAKAIBA AT PAGKAKATULAD NG TULA, MAIKLING KWENTO AT NOBELA


 

Thursday, November 7, 2024

Bakit nga ba Medyor sa Filipino?

ni: Nova F. Vertucio 


TALUMPATI



          Isang magandang araw sa ating lahat! Sa ating guro Bb. Lady Lyn T. Hugno, sa mga kaklase kong nagpapakadalubhasa sa wikang Filipino at sa lahat ng naririto sa apat na sulok ng silid-aralan. Isang magandang araw sa ating lahat! Ako si Bb. Nova F. Vertucio na magtatalumpati sa inyong harapan na mayroong paksa, na bakit nga ba Medyor sa Filipino?

          Sa Isang mundo, kung saan napakaraming pagpipilian, bakit nga ba Medyor sa Filipino ang pinili ko? Ikaw? Tayo? Na naririto, bakit nga ba pinili natin ito? Bakit Filipino, ito’y pinakamahirap na asignatura? Bakit hindi natin pinili ang agham, Ingles, at matematika? Ilan sa maga tanong na gusto nating sagutin kapag tayo’y tinatanong ng iba. Marahil, sa atin ay hindi agad makaisip ng isasagot. At sa araw na ito, nais kong bigyang-diin ang halaga ng ating piniling dalubhasain.

            Sa pag-aaral ng wikang Filipino, hindi lamang ako natututo ng mga salita at gramatika kundi pati na rin ang kasaysayan, kultura at nga kwento ng ating lahi. Ito ay isang paraan upang mas kilalanin at mahalin ko ang aking sariling bansa. At pag-unawa sa pinagmulan ng ating wika. Nagbibigay daan ito upang mas mapa-unlad ang ating kakayahan sa pakikipagtalastasan. Ang wika rin ay isang makapangyarihang kasangkapan na nag-uugnay sa ating pagka-Pilipino. Hangad kong ipakita na ang ating wikang Filipino ay kayang makipagsabayan sa ibang wika. At ako mismo, ang magiging daan upang itaguyod ang wikang Filipino. Sapagkat dito rin ako dinala ng aking mga paa upang ipagpatuloy ang aking pag-aaral. Hindi ako titigil upang magtagumpay sa aking piniling Medyor na ito. Batay sa aking pananaliksik, ay hindi gaano kalaki ang populasyon ng mga mag-aaral na kumukuha ng Medyor na Filipino at kung ihahalintulad natin sa iba ay napakarami kung kaya’t nagdudulot ito ng kaunting opotunidad sa mga mag-aaral. Dahil nagkakaroon ng kompetisyon sa kanila, ang halimbawa na lamang ang Medyor na Ingles. Sapagkat alam naman natin na mas maraming kumukuha nito sa ngayon. Dahil mas marami raw na opotunidad na nakalaan kapag sa ibang bansa ka magtuturo.

          Ngunit kahit ganoon, ay ating tangkilikin ang ating sariling wika at unahin muna natin ito bago ang ibang wika. Sapagkat naniniwala ako sa pamamagitan ng pag-aaral at pagpapalaganap ng wikang Filipino, makakamit natin ang tunay na pag-unlad at pagkakaisa. Tayo ay magtulong-tulong upang lalong mabuhay ang ating wikang Filipino sa ating puso, isip, at sa gawa. Sabi nga ni Gat. Jose Rizal ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda. Kaya tayong mga Pilipino ay huwag nating ikahiya ang ating sariling wika bagkus ay ating ipagmalaki ito. Para sa mga kaklase kong nagpapakadalubhasa sa wikang Filipino ay nais kong sabihin sa inyo kung bakit tayo dinala ng ating mga paa sa Medyor na ito upang tayo mismo ang manguna upang payabungin at ipagtanggol ang sarili nating wika.

Ang Alingawngaw ng Himagsik

 ni: Nova F. Vertucio 


             Sa tahimik na nayon ng San Isidro, gabi-gabi’y tumutunog ang mga batingaw ng simbahan, tila bumabalik sa panahong bago sumiklab ang himagsikan. Ang mga matatandang naninirahan doon ay may mga kuwentong dala-dala sa kanilang puso, mga alaala ng kasaysayang nakasulat sa dugo ng kanilang mga ninuno.

             Isang gabi, si Andres, isang kabataang mapusok, ay nagtipon ng ilang mga kalalakihan sa ilalim ng malabay na puno ng balete. "Hindi tayo malaya," sabi niya, "ang kalayaan ay hindi natatamo sa pagbibigay, kundi sa pag-aagaw!" Tila apoy na nag-aalab ang kanyang mga mata, pinapanday ng galit sa patuloy na pagkakakulong sa isang sistemang banyaga.

             Sa bawat salitang kanyang binibitawan, tila bumabalik ang mga alingawngaw ng 1896—mga sigaw ng “Kalayaan!” at “Mabuhay ang Pilipinas!” na minsan nang umalingawngaw sa kapatagan at bundok ng bayan. Subalit sa kasalukuyang panahon, ang mga alingawngaw na ito’y parang mga bulong na lamang sa hangin, pilit kinakalimutan ng mga bagong henerasyon.

            "Ang inyong kalayaan ay hawak sa inyong mga kamay," dagdag ni Andres habang tinatapik ang balikat ng bawat isa, sa kanyang panawagan na magkaisa para sa bagong laban—laban hindi na lamang para sa kalayaan mula sa mga dayuhan, kundi laban sa pagkakalimot ng bayan sa sariling kasaysayan. Sa mga mata ng mga nakikinig, muling nabuhay ang alab ng himagsik.

            Nang gabing iyon, sa ilalim ng liwanag ng buwan, muling nabuo ang pangako—hindi lamang bilang mga Pilipinong sumusunod, kundi bilang mga Pilipinong handang lumaban. Ang alingawngaw ng 1896 ay muling bumalik, hindi bilang ingay, kundi bilang matapang na tugon ng bagong henerasyon na handang sumalungat sa pananatiling tahimik.